February 8, 2012
Welcome Guest       Already a member? Please Login Here       Don't have an Account yet? Register now! It's Free!
World-Class Filipino  |   WEB  
 

Mga paraan upang kalungkutan sa Gulf ay maibsan

By RSP

Milya-milya ang layo natin sa ating mga kaibigan, kapamilya at iba pang mga mahal sa buhay.  Walang pagkakataong makita sila ng personal at makaagapay. Kailan mo na nga ba huling nahawakan ang kamay ng iyong asawa o kasintahan, ang mahagkan ang iyong mga anak at makapagmano sa iyong inay at itay?  Kailan na nga rin ba natin huling nakasama sa masasayang biruan at tawanan ang mga dating kaopisina at kaibigan?  Marahil, ilan sa atin dito ay hindi na matandaan.  Ito ay ilan lamang sa napakaraming mga pagkakataong hindi natin maaaring magawa dahil sa distansyang gumigitna sa atin at sa mga mahahalagang tao sa ating buhay.

 

Kahit saang anggulo pa man natin tingnan,  kapag ang Pilipino ay lumabas ng bansa upang magtrabaho o tuluyang mag-iba ng tirahan, talagang magkakaroon ng kakulangan na kailangang punan at kalungkutan na kailangang ibsan, malaki man ito o katamtaman.

 

Ano-ano na nga ba ang maaari nating gawin upang mapunan ang mga kakulangan at maibsan ang kalungkutan?

 

Patuloy na komunikasyon sa Pilipinas.

 

Kung tutuusin, mas mapapalad ang mga Overseas Filipino Workers ngayon  sapagkat nasadlak tayo sa panahon kung saan umusad na ng husto ang teknolohiya at impormasyon kung kaya't mabilis na ang komunikasyon.  Lipas na ang panahon kung saan ang paraan ng komunikasyon ay sa pamamagitan lamang ng liham, recorded voice tape at tradisyonal na telepono.  Sadyang napakabagal ng unang dalawang paraan, kung saan kailangan magbilang ng maraming araw, lingo at kung medyo malas-malas pa ay buwan, bago matanggap ang sagot sa ating ipinadalang liham o recorded voice tape.  Ang tradisyonal na telepono naman ay may kamahalan pa noong mga panahon na iyon kaya huling opsyon ito na ginagamit ng ating mga kababayan. 

 

Ngayon, marami na ang mas mabibilis na paraan ng komunikasyon. Bukod sa tradisyonal na telepono, meron nang cellular phone (celphone) kung saan maaaring makapagpadala ng text messages na agad-agad ding natatanggap saan mang panig ng mundo. Ang ginagawa ng karamihan sa atin, dalawa ang gamit na celphone, ang isa ay may local sim ng Gulf country na kinabibilangan at ang isa naman gamit ang "roaming sim" galing sa Pilipinas.  Magpapadala ng text messages ang mga nasa Pilipinas sa "roaming sim" natin at tayo ay magrereply gamit naman ang local sim ng Gulf country na kinabibilangan.  Sa ganitong pamamaraan, kapwa tayo at ang mga nasa Pilipinas ay malaki ang matitipid.  Di hamak na mas mura ang paraan na ito lalo na sa mga kababayan natin na nasa Pilipinas dahil ang halaga ng bawat text nila papalabas ng bansa ay pareho lang ng text nila sa loob ng Pilipinas.  Pabor din ito sa atin sapagkat hindi na magaalangan magpadala ng mensahe sa atin ang ating mga kaibigan at kapamilya.  Mas marami tayong natatanggap na mensahe mula sa atin, mas nakakabawas ng lungkot dito sa Gulf dahil iba pa rin kapag updated tayo sa buhay ng mga mahal natin sa Pilipinas.

 

Isa pang magandang paraan ng komunikasyon ay ang pag-gamit ng "internet".  Bukod sa pagpapadala ng sulat sa pamamagitan ng e-mail, maaari ding magamit ang "internet" upang makausap at makita  ang ating mga mahal sa buhay.  Sa pamamagitan ito ng paggamit ng "webcam", "headset" at "mike".  Dapat ikaw at ang nais makausap sa Pilipinas ay kapwa "on'line" sa internet.  Ilan sa mga "websites" na maaaring mapasukan upang magamit ang teknolohiyang ito ay "Yahoo" gamit ang kanilang "Yahoo Messenger" at  "Google" gamit naman ang "Google talk".  Ang mga internet cafe attendants ay handang tulungan ang sinumang hindi pa alam gumamit ng teknolohiyang ito.  Ang upa sa paggamit ng "internet" ay mula 400 fils hanggang 500 fils o halos P 50 kada oras sa pera natin.  Hindi na rin masamang halaga kung makikita mo naman kung ano na ang itsura ng iyong kasintahan, o kung may asawa na, ang itsura ng iyong mga mga anak at kabiyak.  Magandang paraan din ito para makita at makumusta ang mga kaibigan at kamaganak.

 

Bukod sa paggamit ng mga makabagong paraan ng komunikasyon upang maibsan ang kalungkutang nararamdaman, marami ring ibang bagay na maaari nating gawin dito sa Gulf upang mapunan ang mga oras na dati ay iniaalay natin sa mga kapamilya o kaibigan natin sa Pilipinas. 

 

Isa na dito ang pagsali sa mga Filipino Clubs o associations.  Saan mang parte ng Gulf, may mga Filipino groups na maaaring masalihan.  Maaari kang mamili depende sa hilig mo o gustong matutuhan.  Kung wala pang grupo na ayon sa hilig mo, maaari mo itong pangunahan.  At kung wala ka pa namang hilig o gustong matutuhan, pwede ka pa ring sumali para marami kang makilala at magkaroon ng mga bagong kaibigan na iyo ring mga kababayan.  Maaari kayong magkatulungan sa maraming paraan.  Pwede mo silang maalalayan sa kanilang mga kahinaan at maaari mo rin silang masandalan sa kanilang mga kalakasan.

 

Sa pagsali sa mga Filipino Clubs o associations, maaari mong mai-develop ang iyong mga talento, makadiskubre ng talento na dati ay hindi mo alam na meron ka at isa pa, lalawak din ang iyong koneksyon bilang tao na maaaring magbukas sa iyo ng maraming oportunidad.

 

Kung ikaw naman ay medyo may pagka "introvert" at walang masyadong hilig sa pakikisalamuha sa maraming tao, maaari mo ring subukan ang mag-browse sa "internet" ng kahit anong bagay na maisip mo na sa pananaw mo ay makakatulong sa paghubog pa ng iyong pagkatao.  Ang mundo ay literal na pinaliit na ng "internet".  Hindi lang ito paraan ng komunikasyon, paraan na rin ito ng edukasyon.

 

Maaari mo ring bisitahin ang mga "tourist spots" sa Gulf country na iyong kinalulugaran.  I-schedule mo ito ng maayos, pwedeng monthly, quarterly o semi-annually depende sa dami ng maaari mong mapuntahan.  Isama mo na rito ang pagbisita sa local musuem para ang bansang iyong kinalalagyan ay mas lalong maintindihan.  Sa ganitong paraan, kapag ikaw ay may inaantabayanan, hindi mo masyadong mararamdaman na ang araw ay mabilis na dumaraan.  Mapapansin mo na lang na ang isang taon pala ay tapos na at tuluyan nang lumisan.

 

At higit sa lahat, maaari mong buklatin ang Bibliya at umpisahang pag-aralan ang salita ng Diyos na talaga namang numero unong paraan upang mabura lahat ng iyong mga pagaalinlangan.

 

Maraming mga paraan, kung kaya't ang kalungkutan ay kayang pagtiisan.  Lagi na lamang nating tandaan na ang paglayo natin ay dahil sa isang magandang kadahilanan... ang kapakanan at kinabukasan ng ating pamilyang naiwan.  Ituloy lang natin ang laban.

USER COMMENTS


 

Blog Updates
What are the traits of an efficient transcriptionist?
By Archie de Lara
Aug 13, 2011

SELFLESS
By RSP
Jun 27, 2009

LIFE IS A BOXING
By RSP
May 03, 2009

MY SMALL LIFE
By Janet Aureus
Apr 21, 2009

RED ROSE
By Eng. Danilo Perez
Apr 10, 2009

Featured Affiliates