Edukasyon, makabuluhang pundasyon
By RSP

Ilang lingo na lang at pasukan nanaman dito sa Middle East. Noong ating kabataan, marahil karamihan sa atin ay inaabangan ang panahon na ito. Ito ang mga araw kung kelan tayo namimili ng mga bagong bags, sapatos, notebooks, papel, pansulat, pangkulay at marami pang iba. Kung ano ang uso at bago, ipagpipilitan sa magulang na magkaroon nito. 'Di alintana kung paano nila napagkakasya ang suweldo sa pagbili ng gamit pang-eskwela, matrikula, pagkain at araw-araw na gastusin.
Ngayong hindi na tayo masyadong bata at karamihan sa atin ay mga magulang na at may mga pinag-aaral, ganon pa rin kaya tayo kaganado sa pagsapit ng mga panahon na ito? Maaaring ang iba ay oo, pero malamang karamihan ay hindi. Sapagkat bilang magulang o tagapatnubay, sa atin na nanggagaling ang pondo na pangtustos sa mga gastusin na ito. Kadalasan, hindi sumasapat ang kita kumpara sa iginagastos kaya madalas ay kinakailangan pang manghiram sa kaibigan, kamag-anak, magsanla ng mahahalagang mga gamit kung meron, o di naman kaya'y sa ating mga kaibigan na "bumbay" na nagpapahiram ng pera sa "five-six" na pamamaraan. Para sa hindi pa nakakaalam, ang "five-six" na lending scheme ay sistema ng mga "bumbay" kung saan sa bawat P 5 na nahiram mo, ibabalik mo sa kanila sa halagang P 6.
Ilan sa mga dahilan kung bakit ang ibang pamilya ay hirap sa pagpapaaral ay ang mga sumusunod: Patuloy na pagtaas ng matrikula, minsan ilang beses pa sa loob ng isang taon; patuloy na pagtaas ng mga kagamitang pang-eskwela; pagtaas din ng mga pangunahing bilihin kaya minsan papasok ang mga bata ng walang baon mapa pera man o pagkain; pananatili ng suweldo o kung magtaas man ay bahagya lamang at di kayang pantayan ang pagtaas ng mga bilihin; at para sa mga OFW families, ang paglakas ng halaga ng ating piso kung kaya ang halaga ng remittances natin ay paliit ng paliit. Okay lang sana ang paglakas ng piso, dahil sa isang simpleng pag-aanalisa, ang matatag na piso ay simbolo ng isang matatag na ekonomiya. Pero sana, kasunod nito ay ang pagbaba din ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan nating mga Pilipino. Sa kasalukuyang panahon, hindi pa natin ito nararamdaman.
Sa kabila ng mga suliraning ito, hindi pa rin tayo dapat panghinaan ng loob at basta na lang sumuko. Bagkus, pagkuhanan natin ito ng lakas at gawing motibasyon para pag-igihan pa natin ang pagtra-trabaho para matugunan ang pangangailangan ng ating mga pamilya. Kasama na dito ang pangangailangan ng ating mga kabataan ng maganda at sapat na edukasyon. Makakatulong din kung ating susuriin ang ating uri ng pamumuhay o "lifestyle". Tingnan natin at baka may bahagi ng buhay natin na medyo magastos gaya ng sobrang panonood ng sine, pagkain sa labas, pagbili ng mga bagay na hindi naman gaanong importante at marami pang iba. Tungkol sa presyo ng mga bilihin at pagtatag ng piso, wala tayong masyadong magagawa doon. Pero nasa sa ating mga kamay ang pagdo-doble kayod sa trabaho at pagtitipid sa mga gastusin. Ito ang mga bagay na kaya nating kontrolin.
Ang kabataan ay ang kinabukasan ng ating bayan, ito ay ayon sa ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal. Sadyang totoo, dahil sa mga kabataang ito magmumula ang mga susunod na lider ng ating mahal na bansa. Pero naitanong na ba natin sa ating mga sarili kung sino naman ang pagasa ng mga kabataang ito? Tama ka, ikaw, ako at tayong mga magulang o gabay sa kanilang buhay. Kung kaya't talagang malaki at napakahalaga ng ating responsibilidad na sila ay mapag-aral at mapag tapos. Nasa ating mga kamay ang kanilang pagasa na makapasok sa maayos na paaralan at maturuan ng ating magigiting na mga guro.
Bukod sa loob ng pamilya, sa paaralan makukuha ng ating mga kabataan ang mga karagdagang kaalaman, disiplina, magandang asal, pakikitungo sa kapwa, pananampalataya sa Diyos at marami pang iba na ikahuhubog ng kanilang pagkatao. Pero sa kabilang banda, maaari din silang ma-expose sa hindi magagandang bagay kung kaya't kakailanganin talaga nila ng ating patnubay.
Ngayong ang mundo ay pinaliit na ng "internet", "globalization and free-trade policies" ng mga bansa, ang mga kabataang Filipino ay mas lalong kailangan magkaroon ng magandang edukasyon para sila ay maging "world-class" at "globally competitive". Sa ganitong paraan, mas lalawak ang tsansa nila na magkaroon ng trabaho, sa loob man o labas ng bansa. Napakaraming oportunidad ang naghihintay sa kanila sa Australia, Canada, US of A, Middle East at iba pang mga bansa. Napakalaking tulong ito hindi lang sa mga sarili nilang pamilya kundi pati na rin sa ating ekonomiya.
May ibang nagsasabi na ang edukasyon ay hindi garantiya na magbibigay ng magandang kinabukasan sa isang tao. Ayon sa kanila, hindi lahat ng nakapagtapos ay may trabaho. May iba naman na hindi nakapag aral pero milyonaryo. Ang mga ito naman ay depende na sa tao, dahil ang kinabukasan niya ay konektado sa kung paano niya ginamit ang kanyang oras at mga kaalaman sa kasaluyang panahon. Kung ang edukasyon ay hindi nagbibigay ng garantiya ng magandang bukas, mas lalo na sa tao na wala nito. Ang taong may edukasyon ay may malaking bentahe kung ikukumpara mo sa taong wala. Ang mga taong nagtatagumpay kahit walang edukasyon ay bihirang klase ng mga tao. Sila ay masasabi nating "exemptions rather than the rule". Doon naman sa may mga edukasyon at hindi nagtagumpay, ito ay dahilan na rin sa kanilang mga ginawa o hindi ginawa.
Kung ano ang paghihirap at sakripisyong inilaan ng ating mga magulang para tayo ay makapag-aral at maabot kung ano man ang kinalalagyan natin ngayon, ganun din sana ang ibigay natin sa ating mga kabataan na iginagabay. Nang sa ganon tulad mo, sila rin ay maging matatag at matibay. Ano pa man ang banggitin, iisa lang din ang ibig ipakahulugan o sabihin. Sa madaling salita mga kababayan… ang edukasyon, ay isang makabuluhang pundasyon.

What are the traits of an efficient transcriptionist?
By Archie de LaraAug 13, 2011
SELFLESS
By RSPJun 27, 2009
LIFE IS A BOXING
By RSPMay 03, 2009
MY SMALL LIFE
By Janet AureusApr 21, 2009
RED ROSE
By Eng. Danilo PerezApr 10, 2009